Saturday, May 28, 2011

Isa Syang Batikang Manlilinlang

Isa Siyang Batikang Manlilinlang

Sa anyo niyang iyon ay madali siyang nakapagkukubli. Ang inosenteng madla ay tila nabubulag pa rin sa mga ipinakikita niya. Tama, hindi sasalang tagumpay na naman ang kanyang plano.
    
“Sa buhay na ito, dalawa lang ang klase ng tao: isang nanlilinlang at isang nalilinlang... nasa sa iyo na lamang kung saang tipo ka naaayon”. Madalas ko itong marinig sa kanya. Hindi ko alam kung ano ang nahihimlay na lihim na ibig sabihin sa mga binigkas niyang iyon. Ang sigurado ko lamang, may mas malalim siyang nais iparating, higit pa sa literal na ipinahihiwatig ng mga katagang yaon. Sinusubukan ko mang intindihin sa aking isip ay subalit sadyang hindi ko sila maunawaan. Noon pa ma’y napakahilig na niya sa mga patalinhagang salita. Sapul pa man din ay hindi niya ako dinirekta sa pagsagot. Gusto niya iyon –  ang mag-iwan ng tanong sa isip ng kanyang nakakadaupang palad at dahil doon ay lalo siyang nagiging misteryosa sa paningin ng iba.

     “Habag ang nararapat sa mga katulad nilang mabababaw magsipag – isip... silang mga mangmang na nais ay baybayin ang buhay sa pinakamadaling paraan,  silang mga hindi nakakaunawa ng pasikut – sikot at estratehiya, silang mga nakapariwara lamang sa tabi – tabi...”, iyon ang pinakahuling narinig ko sa kaniya. Hindi man niya aminin subalit sa bawat pagturing niya ng mga ganoong salita ay nalalamman kong siya ay may ipinagdaramdam. Kung minsan ay pinamumukawan din ako ng awa sa kanyang kalagayan dahil alam kong sa takot niyang hindi makasakit ng partikular na taong patutungkulan ng kanyang hinanakit ay idinaraan na lamang niya ito sa ganitong paraan – paraan na siya lamang at wala ng iba ang nakauunawang lubos.
     Madalas kong iparamdam sa kanya ang aking presensya. Ibig ko sanang mabatid niyang hindi siya nag – iisa. Ibig kong mapagtanto niyang handa akong makinig, umunawa at maghintay ng pagkakataong hingan niya din naman ako ng konsulta. Ibig kong ipaabot sa kaniyang naririto ako. Subalit talagang ‘sing tibay ng bato ang kaniyang paninindigan. “Paanong natitiis niyang ikubli ang mga hinaing na ito sa kaniyang sarili?”, madalas ay aking maitanong. Subalit iisa ang inuuwiang kasagutan ng lahat ng agam – agam kong ito patungkol sa kaniya, anupa kundi ang linya niyang, “May kani – kaniyang suliranin ang bawat isa. Kung ako na rin lamang ang nasa kalagayan ng iba at may maligaw ang landas na sawimpalad na kokonsulta sa akin ukol sa kaniyang problema ay nakasisiguro akong hindi ko siya paglalaanan pa ng aking napakahalagang oras at panahon. Tama, sapagkat wala rin akong pakialam sa kanila at tiyak ganoon din sila sa akin...”

     Sukab, makasarili, at hibang – ito ang sapul na pagtingin sa kaniya ng maruming mundo. Animo’y tila sumpa ang bawat isang salitang mamumutawi sa kaniyang bibig... nakapangingilabot... nakapopoot... At ito ang itinakda niyang paraan ng pagpapakilala sa mundo. Bagamat sapantaha ko’y ito na rin marahil ang paraan niya ng pagkukubli sa sariling kahinaan. Hindi na bale ang siya ang makasakit, huwag na huwag lamang siya ang unang masasaktan. Kakaiba talaga siya.

     Lumipas man ang mahaba – habang panahon ay alam kong ibig na niyang manatili sa katauhang yaon. Sa bihis at tindig pa lamang ay hindi na maipagkakailang,

     Isa siyang batikang manlilinlang...

--cess

No comments:

Post a Comment