by Carla Picasa on Saturday, June 25, 2011 at 4:05pm
Sa ikalawang pagkakataon, naranasan kong muli ang matinding kasawian iyon –– kasawiang walang ibang hatid kundi ay labis na pighati at matinding kalungkutan, kalungkutan na syang dahan–dahang bumabalot at yumuyurak sa aking isip at damdamin, kalungkutang pumapawi sa sana’y makulay na diwa ng hapong iyon, kalungkutang dala ay labis na pagkamuhi sa sarili na syang lalo pang nagpapaalab at nagpapaigting sa pagnanasa kong makamit ang nag-iisang bagay na magbuhat pa noo’y aking nais mahangad ...ang bagay na ugat ng lahat ng karahasang ito.
At sa aking ikapitong hakbang ay tuluyan nang pumatak ang mapaminsalang ulan. Sa noon ay kanina ko pa pagparoo’t-parito sa loob ng apat na sulok ng tila miserableng piitang kwartong iyon ay hindi man lamang ako pinamukawan ng ultimo bahagyang lakas. Maglao ‘y pinangibabawan ako ng matinding pagkabalisa. Saka ko na lamang napagtantong ako nga pala ay nag-iisa. Mahirap sapagkat unti-unti akong muling pinapaslang ng katotohanang ito. “Ibig kong malinawan sila sa katotohanan! Ibig kong hindi pagkaitan ng hustisya ng aking pagkawala! Kailangang magbayad ng mga nasasangkot!” subalit tila ang mga hinaing na iyon ay nanatili na lamang sa pirmi nilang pagkakahimlay, mga salitang kaylan ma’y hindi na maisisilang pa.
Hanggang sa muli kong paglingon sa isang sulok sa kwartong iyon ay napagtanto ko ang presensya ng isang kaibigan. Naroon lamang siya’t nananatili sa katagalan ng maghapong iyon. Parang kailan lang ang isang linggong lumipas. “Sa wakas, ito na marahil ang pagkakataong matagal ko nang hinihintay”. Sinubukan ko siyang lapitan. At init ng pagkasabik ang bumalot sa akin sa muling pakikipagdaupan ko sa kanya..."Ang panulat ko", nasambit ko na lamang.
At sa katahimikan ng hapong iyon, kasabay parin ng noo’y mas lalo pang lumakas na pagbuhos ng ulan ay aking inilimbag ang mga salitang aking ikinimkim ng mahabang panahon, ang katotohanang gigimbal sa mapanghusgang lipunang minsan ko naring kinasadlakan. At sa bawat maisusulat na titik ay mahuhulma ang mga salitang tumutumbas sa aking kapayapaan at paglaya.
“Sa wakas ay maisisiwalat ko na rin ang lahat! Ngayon ko lamang ito muling masasambit!”...
“BANG!”... alingawngaw ng putok ang paulit-ulit na tumapos sa akin. Bigla akong naupos sa kinatatayuan na tila ba isang kandilang pinutulan ng pisi sa ikalawang pagkakataon.
“...s-sa w..a...kasss ayy mai-sis..iwalatt ko narinn angg lah...attt...”, ngayon ko nalamang ito muling masasambit ... at hinding-hindi na muling mauulit.